Has Aljur Abrenica met Kylie Padilla’s mystery boyfriend?
Gusto ni Aljur Abrenica na makausap at makilala nang personal ang nababalitang boyfriend ni Kylie Padilla.
Si Kylie ay misis ni Aljur, pero naghiwalay sila noong April 2021.
December 2022 nang unang nagpahiwatig si Kylie na mayroon siyang bagong pag-ibig, base sa Instagram Reels niyang may kasama siyang lalaking nagbakasyon sa Thailand.
Pinasilip din ni Kylie ang holding hands nila ng mystery guy na hinihinalang isang tattoo artist.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Aljur tungkol sa isyu.
Diretsahang inamin ng aktor na hindi okay sa kanyang hindi niya kilala ang lalaki sa buhay ni Kylie.
Ipinunto ni Aljur na si Kylie ay ina ng dalawang anak nilang sina Axl at Alas.
Paliwanag ni Aljur: “On that part, gusto ko talagang malaman kung sino siya, what he’s doing sa personal na buhay niya.
“Siyempre, hindi naman puwede na makasama siya na di ko siya kilala. Hindi ko alam kung ano ang trabaho niya, kung ano ang pinaggagawa niya.
“Hindi ko siya kilala. On that part, I’m trying na magtanong kung sino yan. Hindi ko siya kilala, yun ang wino-worry ko ngayon.”
Gusto lang daw niyang may idea siya kung sino ang nakakasama ng kanyang mga anak.
Dagdag ni Aljur, “Basta sa akin, hindi siya okay, sa totoo lang.
“On my part, kilala nila si AJ. Ito, di ko siya kilala. Sasabihin ko na, hindi ako okay dun.”
Ang “AJ” na tinutukoy ni Aljur ay ang kanyang girlfriend ngayon na si AJ Raval.
Pero paglilinaw rin ni Aljur, hangad niyang makita ni Kylie ang lalakeng magmamahal at magpapasaya rito.
Aniya, “Ever since naman, lahat naman ng mga lalake pag nagmahal sila at hindi naman nagkatuluyan, wala namang pait sa amin.
“We always wish what’s the best for them. That’s true love, e.”
Nakapanayam ng PEP.ph si Aljur sa launching ng Gutierrez Celebrity and Media Production, na ginanap sa SM North EDSA Skydome noong February 28, 2023.
CO-PARENTING WITH KYLIE PADILLA
Pagdating sa co-parenting arrangement nila ni Kylie, sinabi ni Aljur na wala silang problema ng estranged wife.
“Oo, sobra. Ito ang gusto ko sa samahan namin. For example, mayroong scenario na di ko alam kung ano ang gagawin ko sa mga bata, siya ang tatawagan ko.
“Siya din pag may scenario, may nangyari sa mga bata, ako ang tatawagan niya.
“There’s always a father-and-mother thing.”
Diin ni Aljur, “Saka never naman kaming maghihiwalay dahil may mga anak kami. That’s the reality.
“Magkikita at magkikita kami lagi. Nag-uusap kami para sa mga bata.”
Puring-puri ni Aljur si Kylie bilang ina.
Aniya, “Magaling na nanay yun, maalaga na nanay, responsableng nanay.
“Si Kylie very attached to her emotions when it comes to the kids.
“Ako, lagi kaming outdoor, adventure. When it comes to emotions, siya nagpupuno nun.”
ON KYLIE SUPPORTING HIS RELATIONSHIP WITH AJ
Hiningan din ng reaksiyon si Aljur sa naging pahayag ni Kylie na masaya ito para sa kanila ni AJ Raval.
“Happy siya for us? Alam ko naman yun, nag-usap naman kami,” sambit ni Aljur.
October 2021 nang mag-viral ang sightings ng sweet moments nina Aljur at AJ. Umani sila ng matinding batikos noon.
Sinisisi ng netizens si AJ sa hiwalayang Aljur at Kylie.
February 14, 2023 nang tuluyang isinapubliko nina AJ at Aljur ang pagsinta sa isa’t isa.
Binatikos muli sina AJ at Aljur.
Pero noong February 26, mismong si Kylie ang dumepensa kay AJ na hindi ito ang third party sa breakup nila ni Aljur noon.
Sa parte ni Aljur, pinayuhan daw niya si AJ na huwag nang paapekto sa bashers.
“Kasi ako, nung pumasok ako sa industriya, I think everyone is going through that, lahat naman tayo dumadaan diyan.
“Ang dami niyo nang pinagdaanan na artista na ganyan. Nasabi ko sa kanya yan, ‘Artista tayo, sikat kasi tayo sa Pilipinas. Yan ang buhay natin, tanggapin natin.’
“She accepts things, and maganda, hindi niya ako kinokontra dun.”
ON MOVING FORWARD
Sa huli, iginiit ni Aljur na naka-move on na silang mga sangkot sa isyu, kaya tigilan na raw sana ang pamba-bash sa kanila ni AJ.
Sabi pa niya patungkol sa kanila ni Kylie, “Lahat naman naka-move on na. Constant communication naman, hindi nawala yun para sa mga bata.
“Choices naman. Every day we choose what’s the right path for us. We’re doing our best. “I know I am doing my best para sa mga bata.
“It’s been what? Parang two years na ang issue na ito. Just to let you know, guys, we are all doing our best para sa ikabubuti ng bawat isa, para sa pamilya.”
Hindi raw pinababayaan ni Aljur ang dalawang anak.
“I’m responsible. Yung responsibilities ko sa kanila is on me. Sa mga nangyayari ngayon, sa mga tao, spare it na, tama na.
“It’s not helping us anymore. Not just us, even kayo, di na rin nakakatulong sa inyo yan.”
Diin pa ni Aljur, “Totoo nga, di na nakakatulong. May natutunan na kayo, may natutunan na kayo sa nangyari. May nagkaaminan na ng pagkakasala, lahat.
“I have to protect my familly, I have to protect my kids. The damage has been done, ayoko nang madagdagan.”