Joshua Garcia reacts to reports about Julia Barretto and Gerald Anderson settling down

joshua garcia unbreak my heart

Matunog ang bali-balitang napag-uusapan na ng magkasintahang Gerald Anderson at Julia Barretto ang pagpapakasal, lalo’t sa nakaraang interview sa Kapamilya actor ay sinabi nitong nakita na niya kay Julia ang babaeng gusto niyang pakasalan at makasama habambuhay.

Sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kay Joshua Garcia sa grand conference ng Unbreak My Heart na ginanap sa Seda Hotel sa Quezon City, noong May 25, 2023, hiningan namin ng reaksiyon ang Kapamilya actor sa lumabas na balita tungkol kina Gerald at Julia.

Si Joshua ang dating boyfriend ni Julia bago naging sila ni Gerald.

“Hindi ko alam, bago yan sa akin, ngayon ko lang narinig yan. Kung saan sila masaya, support ako dun,” maikling pahayag ni Joshua.

May komunikasyon pa ba sila ni Julia hanggang sa ngayon?

Tugon ni Joshua, “Medyo matagal na rin kaming hindi nag-uusap after pandemic and all.

“Parang separate ways na rin kami ngayon, busy na rin kami sa iba’t ibang projects.”

Sa kabila ng paghihiwalay nila ng landas ni Julia, bukas at nilu-look forward daw ni Joshua na magsama pa rin sila sa isang proyekto ng ex-girlfriend.

“Yes, and sinabi ko yan sa interview na kung mayroon man, siya ang unang pumapasok sa isip ko,” aniya.

Sa interview kamakailan ni Gabbi Garcia sa Fast Talk With Boy Abunda ay nabanggit nitong tinawagan niya si Julia at nagpaalam sa magiging tambalan nila ni.Joshua sa Unbreak My Heart.

Matalik na magkaibigan sina Julia at Gabbi.

“Nakita ko yun, napanood ko yun. Hindi ko alam… it’s between them,” reaksiyon ni Joshua.

TOP LEADING MAN

Sa pagkakabuwag ng tambalang JoshLia nina Joshua at Julia ay pinush si Joshua bilang solo actor na puwedeng ipareha sa iba’t ibang aktres.

Sa ngayon nga ay naikukunsidera na si Joshua bilang top leading man ng kanyang henerasyon.

Pahayag niya tungkol dito, “Grateful and masaya ako kasi ang tagal kong hinintay itong nangyayari sa akin ngayon.

“Pagkatapos ng pandemic, pagkatapos ng lahat ng ginawa ko, ito ang nangyayari sa akin ngayon.

“Finally, nandirito na ako uli and I’m happy.”

Bilang patunay nito ay isa siya sa bida sa kauna-unahang collaboration project ng GMA-7, ABS CBN, at Viu, ang Unbreak My Heart, kung saan kasama niya sina Jodi Sta. Maria, Richard Yap, at Gabbi Garcia.

Proud at masaya si Joshua sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya para maging bahagi ng proyektong ito.

Saad niya, “Masaya lang ako, sobrang saya ko. I feel honored and blessed to be here in this project. I hope na hindi lang ito ang magawa ko sa collaboration na ito.

“I’m grateful to be part of this historical event and partnership, masaya lang. Ine-embrace ko na lang na parte ako nito.

LOOK: Julia Barretto And Gerald Anderson Relationship Timeline

“Nung una, kinakabahan ako, siyempre nae-excite ako. Pero ngayon, masaya na lang ako, ine-embrace ko na lang kung ano ang nangyayari sa akin.”

SENSUALITY WORKSHOP

Pinag-uusapan din ang kissing scenes ni Joshua kina Jodi at Gabbi sa Unbreak My Heart. Labis ang pasasalamat ng aktor kay Jodi sa tiwala nitong gawin nila ang eksena.

“Ako, nagpapasalamat ako sa direktor and kay Ate Jodi kasi pinagkatiwalaan niya ako, kasi pareho naming first time ginawa yung eksena na yun.

“Sa tulong ng pagtitiwala niya and pagdirek ni Direk [Manny Palo], mas naging madali para sa amin.”

May pagkakaiba ba ang atake ni Joshua sa kissing scenes niya kina Jodi at Gabbi?

Saad ng Kapamilya actor, “With Jodi, mas passionate, mas mabagal, mas ramdam.

“With Gabbi, passionate din naman, pero yung tugma naman sa edad namin. Medyo may diin nang kaunti.”

Ayon kay Joshua, malaki ang naitulong ng sensuality workshop sa paggawa ng mga kissing scene at maseselang mga eksena.

Julia Barretto Keeps Her Relationship With Gerald Anderson Private

“Yung sensuality workshop, para sa akin, sana ma-experience ng lahat ng actors na gagawa ng mga sensual scenes.

“Kasi kaming mga actors, may tendency kami na pag masyado naming napi-feel ang emotions namin, sumosobra kami sa boundaries ng isa’t isa.

“Itong sensuality workshop, ito yung parang alam ninyo ang mga limits niyo, boundaries niyo, at kung ano lang ang kaya niyong ibigay.”

Sa istorya ng serye ay magkakaroon ng relasyon sina Joshua at Jodi.

Sa tunay na buhay, may posibilidad kayang ma-in love si Joshua sa isang babae na mas matanda sa kanya.

Tugon ng aktor, “Oo naman, ako kasi 25 years old, turning 26. Naghahanap na ako ng mas deeper connection, deeper emotionally, alam mo yun?

“Parte na yung pagiging masaya, exciting, love part, pero mas deeper connection na yung hinahanap ko.”

Sa ngayon ay wala raw girlfriend ang Kapamilya actor at ine-enjoy muna niya ang pagiging single.

“Masaya ako ngayon, in love ako sa trabaho ko ngayon, very in love. Just working on myself,” sabi ni Joshua.